Psalms 147

Papuri sa Dios na Makapangyarihan

1Purihin ang Panginoon!
Napakabuting umawit ng pagpupuri sa ating Dios.
Napakabuti at nararapat lang na siya ay purihin.
2Itinatayong muli ng Panginoon ang Jerusalem,
at muli niyang tinitipon ang mga nabihag na Israelita.
3Pinagagaling niya ang mga pusong nabigo,
at ginagamot ang kanilang mga sugat.
4Ang bilang ng mga bituin ay kanyang nalalaman
at ang bawat isa ay binigyan niya ng pangalan.

5Makapangyarihan ang ating Panginoon.
Ang kanyang karunungan ay walang hangganan.
6Tinutulungan ng Panginoon ang mga inaapi,
ngunit nililipol niya nang lubos ang masasama.
7Umawit kayo ng pasasalamat sa Panginoon.
Tumugtog kayo ng alpa para sa ating Dios.
8Pinupuno niya ng mga ulap ang kalawakan,
at pinauulanan niya ang mundo,
at pinatutubo ang mga damo sa kabundukan.
9Binibigyan niya ng pagkain ang mga hayop at ang mga inakay na uwak kapag dumadaing ang mga ito.
10Hindi siya nalulugod sa lakas ng mga kabayo o sa kagitingan ng mga kawal.
11Ang Panginoon ay nalulugod sa mga may takot sa kanya
at nagtitiwala sa kanyang pag-ibig.

12Purihin ninyo ang Panginoon na inyong Dios, kayong mga naninirahan sa Zion, ang bayan ng Jerusalem!
13Dahil pinatitibay niya ang pintuan ng inyong bayan,
at kayoʼy kanyang pinagpapala.
14Binibigyan niya ng kapayapaan ang inyong lugar,
at binubusog niya kayo ng pinakamabuting trigo.
15Inuutusan niya ang mundo,
at agad naman itong sumusunod.
16Inilalatag niya sa lupa ang nyebe na parang mga puting kumot,
at ikinakalat na parang abo.
17Nagpapadala siya ng ulan na yelo na parang maliliit na bato.
Kahit sino ay walang makatagal sa lamig nito.
18Sa kanyang utos, ang yelo ay natutunaw.
Pinaiihip niya ang hangin, at ang yelo ay nagiging tubig na umaagos.
19Ipinahayag niya ang kanyang mga salita, mga tuntunin at mga utos sa mga taga-Israel na lahi ni Jacob.
20Hindi niya ito ginawa sa ibang mga bansa;
hindi nila alam ang kanyang mga utos.

Purihin ang Panginoon!
Copyright information for TglASD